Wednesday, October 14, 2009

Aaminin Ko Na

Naikwento ko na sa naunang blog ko na minsan sinumpong ako ng topak at hindi sumama sa overnight outing naming magkakaibigan. Matagal-tagal na kaming hindi nagkakasama ng mga kaibigan ko palibhasa may kanya kanya kaming pinagkakaabalahan. Napansin ito ng mga kaibigan ko at nag-plano sila ng overnight stay sa isang hotel sa Ajman. Excited ang lahat pero last minute nag-back out ako.
Nabigla lahat sa ginawa ko. Ako kasi ang numero unong pasimuno sa mga lakaran. Hindi sila sanay na tahimik ako sa kanila. Alam kong magtatampo sila sa akin sa hindi ko pagsama pero alam kong mauunawaan din nila ako.
Si ID. Tinawagan ako at nakikiusap sa akin na magbigay daw ako ng valid reason bakit hindi ako sasama para maintindihan niya ako. Hindi na daw niya alam ang nangyayari sa akin. Wala akong maibigay. Ang nasabi ko lang is hayaan na lang muna ako. Mag-enjoy na lang sila. Wala naman kaming problema. Hindi siya kontento sa sagot ko. Gusto niyang pag-usapan namin ito pero wala talagang lumalabas na salita mula sa akin. Sinabi ko na lang na kailangan ko ng ibaba ang phone dahil kasalukuyang nasa gitna ako ng daan. Bago kami magpaalam sa isa't isa ay nagpahabol ang kaibigan ko na kailangan naming i-resolve ito pag pwedi na ako. Wala siyang kaalam-alam na ako ay nangigilid na sa luha kaya hindi na ako makapagsalita.
Si RD (asawa ni ID). Sinabi lang sa akin na basta i-ready ko lang ang gamit ko tsaka na ako mag-decide kinabukasan kung sasama o hindi. Sa isip ko, alam kong buo na ang desisyon ko-hindi ako sasama.
Si JC ( magkasama kami sa haws). Kay JC ko sinabi na hindi ako makakasama sa outing namin. Wala akong binigay na dahilan. Sinabi ko ito a day before ng outing. Walang reaksyon si JC. Bago yun, meron ng katahimikan namamayani sa amin. Kung minsan, sinasadya kong late na umuwi para tulog na siya o kaya naman maaga akong matutulog pag ako naman ang nauna sa bahay.
May dahilan ako kung bakit ayaw kong sumama sa outing. Alam ko ding alam ng mga kaibigan ko ito. Hindi ko lang ito masabi sa kanila. Hindi ko lang ito maamin.
Magkakasama kaming apat sa isang bahay sa Sharjah noong bago pa lang kami sa UAE. Sabay si ID & JC na pumunta dito then after 2 months kinuha nila ako. Tapos sumunod naman si RD, nahuli siya kasi ayon sa aming survey, mas madali makahanap ng work dito ang mga kagaya naming taga-kwenta. Boom kasi talaga ang Dubai noon- taong 2005.
Then the following year 2006, nag-decide kaming sa Dubai na lang manirahan kasi lahat naman kami ay sa Dubai na nagtatrabaho. Dahil medyo may kamahalan ang renta ng Dubai kesa sa Sharjah, hindi na namin ma-afford na kumuha ng isang bahay para sa aming apat. Tumira kami ni JC sa bahay ni Tita F (ang tumulong sa amin sa pagpunta dito). Samantalang ang mag-asawang ID & RD ay nag-rent ng room malapit din sa aming tinitirhan.
Naging okay naman ang lahat sa amin. Mas naging close pa kami ni JC. Magkasama kami sa lahat ng bagay. Hindi kami mapaghiwalay. Sabay sa lahat ng lakaran, sabay nagjo-jogging, sabay magkwentuhan, sabay magtawanan, sabay mamasyal, sabay sa paglalaba, sabay sa pagluluto, sabay sa pag-iisip para kaming sina B1 at B2.
Early 2007 ay ipinakilala ni RD ang isang ofisymet kay JC, si G na boyfriend na ngayon ni JC. Hindi ko ito napaghandaan. Masaya ako para sa kaibigan ko na finally na-meet na niya ang kanyang The One. Pero hindi ko ito maipakita. Bagkus kabaligtaran pa ang nangyari . Umiwas ako sa kanya kasi nasasaktan ako. Feeling left out ako. Parang tingin ko kay G isa siyang kontrabida sa buhay ko. Civil naman ako pag nagkikita kami. Though me mga times parang hindi siya existing sa akin.
Napansin ito ni JC. Ilang beses na din naming napag-usapan ito. Ilang beses na din akong humingi ng sorry dahil sa cold treatment ko.Kaya lang ganun siguro pag nababalot ka ng pagseselos. Nakakagawa ka ng bagay na hindi mo gustong gawin. Nagagawa mong gawin pa rin ang mga bagay kahit alam mong makakasakit ang mga ito.
At yung hindi ko pagsama sa outing namin ay ang aking deklarasyon na meron nga akong problema. Nalaman ko kasing kasama din namin si G sa outing. Alam kong hindi ko mapipigilan ang sarili kong magselos at bigla na lang mawala sa mood pag nakikita ko sila kaya nag-decide na ako na huwag na lang sumama. Nagpapasalamat ako at nirespeto ng mga kaibigan ang desisyon ko. Naintindihan nila ako.
Pero after ng aking ginawa, na-realize ko na napaka-immature at insensitive ko sa feelings ng mga kaibigan ko. Naging selfish ako. Pinagsisihan ko ang aking nagawa. Ipinangako kong babawi ako sa mga kaibigan ko. With all sincerity, humingi ako ng sorry ulit kay JC at sinabing yun na ang huli.
Alam ko namang mahal ako ng mga kaibigan ko kaya wala akong dapat ipagselos. Never naman nila akong iniwan at alam kong hindi nila ako iiwan kailanman. May nag-advice sa akin na ilugar ko daw ang sarili ko sa kaibigan ko. Naisip ko tuloy, kung ako ang may kaibigan na kagaya ko. Malamang hindi ko ito matitiis at hahayaan lang itong malunod sa pag-iisa. Pero hindi ito ginawa ng mga kaibigan ko.
Nasa work in progress stage na ako ngayon. Binabati ko na din sa wakas si G pag nagpupunta sa bahay. Hindi ko na sila iniiwasan ngayon. Mas malinaw na ang isipan ko ngayon. Dahil ang totoo kung anuman ang makakapagpasaya sa kaibigan ko ay doon din ako.

No comments:

Post a Comment