Simula pagkabata ay proud na proud na ako sa aking kuya. Siya ay kilala sa amin. Siya ay hindi mahiyain. Kilala niyang lahat ang tao sa amin. Kayang-kaya niyang kausapin ang lahat. Matanda man o bata. Mayaman man o mahirap. Bata pa lang kami ay namulat na kami sa kahirapan. Sa aking alaala ay nakikita ko ang aking kuya na sumisigaw ng 'ice drop!' pag umaga at 'penoy balot!' pag gabi. Ganun kasipag at kadiskarte ang aking kuya sa edad na 10 taong gulang. Minsang bakasyon sa iskul ay nag-setup pa siya ng munting tindahan sa harap ng bahay namin at kami namang dalawang nakababatang kapatid ang tumatao dito. (Kahit labag sa kalooban namin ng aking bunsong kapatid ay sinusunod namin ang aking kuya. may takot kasi kami sa kanya).
Wala man sa honor roll ang aking kapatid ay lagi naman siyang kasama sa mga aktibidades sa iskul. Marunong siyang sumayaw mag-isa. Kaya din niyang kumantang mag-isa nang hindi nahihiya. Marunong din siyang mag-drawing. Madalas sa kanya ko ipinapagawa ang mga project ko sa iskul pag tungkol ito sa drawing. Iniisip ko sana nabigyan ako ng kaunting ugali ng kuya ko. Nakikisalamuha sa lahat ng tao. Hindi nakakapagtakang naging SK Chairman siya nung kanyang kabataan.
Mahilig din sa mga hayop at ibon aking kuya. Merong time na naging parang zoo na ang aming bakuran. Dinadayo ito ng mga kaklase ko dahil merong ahas, rabbit, kalapati, batu-bato, pagong at kung anu-ano pa na alaga niya. Pinagbigyan siya ng ang aking mga magulang sa kanyang mga hilig, binilhan siya ng baril at rambo knife. Ang aking namayapang lolo ay sa kanya din ipinamana ang kanyang pinakakamahal na possession- ang kanyang lumang baril. Nang magbinata, nahilig naman siya sa pagpapalaki ng katawan. Naging idol niya si Arnold Schwarzenegger. Sumali siya sa iba't ibang paligsahan ng palakihan ng katawan.
Mahal ko ang aking kuya pati na ang aming bunsong kapatid ngunit hindi ko ito masabi ng personal sa kanila. Hindi kasi kami nasanay sa bahay na nagsasabihan ng 'i love you' sa isa't isa. Lalu na parehong lalaki ang aking mga kapatid. Minsan naisipan kong gumawa ng sulat sa kanila (nag-aaral ako sa Maynila noon), pagkauwi ko sa bahay ay nakita ko ang sulat na nakakalat lang sa aming bahay. Nabuksan naman nila pero deadma. Mukhang wala silang panahon sa pagda-drama ko..hehe....Yun na ang una at huling sulat ko sa kanila.
Maaga kaming naulila sa ama kaya in a way, ang kuya ko na ang tumayong ama namin ng aking kapatid. Dahil na rin sa kagustuhan kong makatulong din sa aming pamilya ay pinagbuti ko ang aking pag-aaral. Naka-gradweyt ako sa kolehiyo.
Nag-review ako para sa board exam at pumasa sa tulong at suporta ng aking pamilya. Naiyak ako nang malaman ko na nag-prayer text brigade pala ang kuya sa mga kaibigan niya para makapasa ako sa board. Nabanggit ito ng isa sa mga kaibigan niya sa akin. Na-touched talaga ako at malaking bagay sa akin ang ginawa niya. Lagi ding nandyan ang kuya ko pag alam niyang malungkot ako. Bigla na lang magsasalita yan at tatanungin ako kung okay lang ba ako.
Meron din silang silent agreement ng mga barkada niya na bawal akong ligawan ng mga ito. Sayang, as in ang dami talagang guwapo sa mga barkada niya..hehe....Anyway, alam kong gusto lang niya akong protektahan.
Nang mag-desisyon akong mag-boyfriend na ay nanahimik at nag-obserba lang siya. Sabi nga nung ex-bf ko, para daw siyang inoobserbahan sa laboratoryo ng kuya ko at iba daw ang pakikitungo sa kanya pag hindi ko nakikita. Hindi nagtagal ay naghiwalay kami. Tinanong lang nang kuya ko, ano ang dahilan? sinaktan ba daw ako? Nung sinabi kong desisyon ko din makipaghiwalay. Parang feeling ko lumiwanag ang mukha ng aking kuya hehe..Ayaw kasi nila dun.
Meron nang sariling pamilya ang aking kuya. Every now and then kahit andito na ako sa Dubai ay lagi niyang ipinapaalala sa akin na mag-ingat daw ako lagi, madami daw na lalaking manloloko. Huwag daw akong maniwala kaagad-agad. Basta daw dapat makilala muna niya kung sinuman ang magustuhan ko. Kilala daw niya ang likaw ng bituka ng mga ito. Pero lately, mukhang nagsawa at medyo nainip na ang kuya ko sa akin. Tinanong ba naman ako kung wala ba talaga akong balak mag-boyfriend na? Hahanapan na daw niya ako. Hindi ako naniniwala. :-)
No comments:
Post a Comment