Malayo sa aking tinitirhan ang lugar ng aking trabaho. Nakatira ako sa sentro ng Dubai samantalang ang opisina naman namin ay kailangan mo pang maglakbay at dumaan sa disyerto bago ka makarating. Hindi ako nag-rereklamo sa layo. Nasanay na ako sa byahe at meron namang bus service ang aming kumpanya. Ang aming pasok sa opisina ay mula Linggo hanggang Huwebes at ang aming oras ay mula 9:00 ng umaga hanggang 6:30 ng gabi. Dahil sa layo at trafik, kadalasan nakakauwi ako sa aking tinitirhan ng 8:30 na ng gabi. Unting oras na lang ang natitira para sa aking mga akitibidades bago matulog- kakain, nood ng tv patrol at teleserye esp. 'may bukas pa' :-), check kung may nag-email, punta sa mga blog na sinusundan ko baka may bagong post..hehe, tingnan ang oras. Sinisigurado kong dapat tulog na ako pag 12:00 na ng gabi. Hirap kasi ako pag puyat.
Pero simula nung Miyerkules ng gabi, katapusan ng Setyembre 30 late na akong natutulog. Hindi ko na napapansin ang oras. Masyado kasi akong abala sa aking bagong gawain. Kagabi din umabot ako ng 3:00 ng umaga. Buti na lang walang pasok ngayon at nakakuha pa din ako ng kumpletong tulog. Pag nagpatuloy ito iniisip kong komunsulta na sa doktor. Mahirap na baka magkasakit ako nito. Wala ang nanay ko dito para mag-alaga sa akin, nasa Pilipinas siya. Naalala ko tuloy ang sinabi ng aking ina sa isa kong tita na pumipigil sa aking magpunta nun sa Gitnang Silangan. Gusto kasi ng tita ko na wag na akong tumuloy noon sa Dubai kasi gusto niya akong ipasok sa kumpanya ng kanyang 'amiga' na naghahanap ng kagaya ng aking propesyon sa mas mataas na posisyon at syempre mas mataas na sweldo (isa akong taga-kwenta, nde po taga-kwento ah sa isang malaking kumpanya ng eroplano sa Pinas dati). Hindi ko na daw kailangan pang magpunta sa ibayong dagat baka mapariwara pa ako. Pero dahil alam ng nanay ko ang aking mga pangangailangan at kagustuhan, siya na ang kumausap sa tita ko para mapanatag din ang loob ng aking tita. Ang sinabi ng aking ina sa aking tita- 'May tiwala ako sa aking anak, alam kong kayang kaya niya ang sarili niya kahit saan man siya magpunta. Malaki na siya at may sariling desisyon. Alam din niya kung anong makakabuti sa kanya'.
Noon pa man ay alam kong malaki ang tiwala sa akin ng aking pamilya lalung-lalo na ang aking ina. Kaya naman sa abot ng aking makakaya ay sinisikap kong wag itong masira.
Mukhang halu-halo na yata ang ipinagsusulat ko dito, out of topic na ika nga. Epekto siguro ito ng aking pagpupuyat. Tutal ngayong araw ng aking pahinga ay nagawa kong gawin nang mas maaga ang aking bagong gawain, susubukan kong matulog ng tama sa oras mamayang gabi. Natatakot kasi ako baka mamaya isa na akong adik - adik sa pagba-blog! :-)
No comments:
Post a Comment