Tuesday, November 30, 2010

iPhone at its Best

Opppsss wait, wala pa akong iPhone pero gustung-gusto kong magkaroon nito last year. Kaya lang mas nanaig ang kagustuhan kong bumili muna ng laptop, nasira kasi ang una kong laptop.


Lumipas ang mga araw, nawala ng kusa ang pagkagiliw ko sa iPhone. Hindi ko na ito naririnig na para bang sinasabihan ako ng 'BUY ME' pag napapadaan ako sa mga electronic shops. Kuntento na ako sa aking phone na Nokia na may radyo. :-)


Pero kanina parang nanumbalik uli ang pagka-gusto ko sa iPhone. Aliw na aliw kasi kami kanina habang pinapanood namin kung nasaan na ang exact location namin in real-time. Meron na kasing 'real-time tracker' ang iPhone ni NS. New feature daw ito, kanina niya lang din nalaman.


Kalagitnaan ng aming panonood ng maisip kong pwedi ko itong ikwento ngayong gabi dito sa blog ko. Interesting kasi ito para sa akin. Nag-request ako kung pwedi bang piktyuran ang mga dinadaanan namin. Pweding-pwedi daw tapos i-send na din sa email ko.


Tingnan ninyo kung nasaan kami eksakto kanina--yung color blue na dot. :-)




@ Karama Metro Station




@ the crossing of Burjuman
pansinin ang apat na bubong ng Metro Station :-)
dalawa kasing line ng metro dito sa Khalid Bin Waleed Stn
although ang open pa lang sa ngayon ay ang red line;
soon to open ang green line (sana very soon na!)




@ Maktoum Bridge
kakatuwa itong kuha na ito, meron pang clouds :-)
kita din ang dubai creek, floating bridge naman yung isang tulay



@ my stop, Muteena St
kita sa photo ang bubong ng bahay namin :-)
nakikita nyo ba ang mga halaman sa gitna ng daan?
isang park kasi ang nasa gitna ng kahabaan ng Muteena St.





Conclusion:
So paano bibili na ba ako ng iPhone? hahaha. Let's wait and see ulit. Meron kasi akong pinaghahandaan na personal na gastusin ngayon- isang SLR camera. :-)

Monday, November 29, 2010

Nothing Serious

Masayang-masaya na naman kaming lahat sa bus kaninang uwian. Asaran na naman. Aba sympre, game na game ako dyan. :-)

Kung anu-ano ang aming napag-usapan at naging asaran. Ibabahagi ko dito ang mga pang-asar nila sa akin kanina. Ewan ko ba, masyado akong paboritong asarin ng mga kasamahan ko. Enjoy na enjoy sila pag ako na ang nasa 'spotlight'. Wala pa kasi akong 'record' na napikon ako sa kanila. :-)


Pang-asar 1
RE: tin, malapit na naman ang Dec! kelan ang KFC natin? haha (last yr kasi nagpunta kami sa KFC dahil natalo ako sa 'dare' na makikipag-date ako before matapos ang taon)
Ako: wala akong 'dare' ngayong taon. wala din akong ni-promise sa inyo. kung gusto niyo punta na lang tayo sa KFC ulit, pero KKB na. haha...

Pang-asar 2
CR: tin, hindi na bagay sa edad mo ang pa-demure..lumampas na ang edad mo. haha....(di ko kasi ma-gets ang isang 'green joke', pinapa-explain ko pa kung bakit ito nakakatawa)
Ako: I beg to disagree. Bata pa ako, nasa kalendaryo pa ang edad ko. Next yr pa lang ako 30. Invited nga pala kayong lahat. Wala namang party, gusto kong batiin niyo lang ako. :-)

Pang-asar 3
Napag-usapan ang tungkol sa pagkakaroon ng anak dahil nagdadalang-tao ngayon ang dati naming kasamahan sa bus (MG).
EG: tin, ikaw hanap ka na lang ng sperm donor mo pag di ka nag-asawa.
Ako: Ayoko, ang mahal kaya.
EG: magkano tin? mukhang nag-canvass ka na..hahaha
Ako: hindi ko kinoconsider yan, posible pa ang mag-ampon ako. ayokong dumating ang panahon na tatanungin ako ng anak ko na ''nay, sino po ang aking tatay?" tapos ang magiging sagot ko "anak, ang tatay mo ay si reference donor number XXXX" haha...
NS: Mag-post ka na lang sa blog mo ng Wanted: Sperm Donor (alam nila ng nagba-blog ako pero anonymous)
Ako: Naku, madaming pipila...haha..(joke lng ito, niyayabangan ko lang sila)
CR: kelan nga ba ang kasal mo? sa 2012? pag nagunaw na ang mundo. hahaha...
Ako: Basta sa kasal ko invited kayong lahat, gusto ko na ngang magpagawa ng AVP kay NS at mag prenup mag-isa. hahaha. Ang swerte nga ng groom ko kumpleto na ang lahat, siya na lang ang kulang..haha..
All (RE,CR,EG,NS, ate G): Asan na ang wedding invitation? hahaha....


My Closing Remark To Them:
Grabeh, siguro matatahimik kayong lahat pag dumating ang araw na iyon. Na-excite ako sa magiging reaksyon ninyo. hahaha. :-)

Sunday, November 28, 2010

I Dedicate This Post To You, NS

Sino ba si NS? Si NS ay isa ding ordinaryong empleyado kagaya ko. Hindi kami pareho ng kumpanya pero isa lang ang may-ari sa mga pinapasukan namin. Nagkikita lang kami dati tuwing lunch time sa building canteen pero simula ng sumabay na siya sa company service namin, super naging close kami. I mean, super naging feeling close na ako sa kanya. :-)

Nabanggit ko na siya sa ilang postings ko dito. Siya yung sinasabi kong super high-tech na tao at pamilya ng mga 'chef' dahil ang sarap magluto. Hindi lang yun, no dull moment pag siya ang katabi mo sa bus. Grabeh, lahat na yata ng posibleng entertainment sa byahe nasa kanya na--- music, movie, seryosong usapan at mga kwelang usapan! Hindi kataka-taka na lahat gustung-gusto siyang katabi pag uwian. Pero madami umaangal pag kami ang nagkatabi, hindi raw sila makatulog sa ingay namin...hahaha.

Ang dami ko ng 'utang' sa taong ito. Patong-patong na. Hindi ko alam kung paano makakabawi sa taong ito. Lagi ko namang napapaabot sa kanya ang lubos na pasasalamat ko sa mga kabaitan niya sa akin. Pero feeling ko hindi sapat yun sa sobrang daming pabor na aking hiningi at ibinigay niya. Sobrang grateful talaga ako sa taong ito. Napakaswerte ko talaga pagdating sa mga kaibigan. :-)

Hinding-hindi ko makakalimutan kung paano ako todong napasaya ni NS sa mga mumunting bagay para sa kanya pero ga-higante para sa akin. Muli NS, gusto kitang pasalamatan dito naman sa blog ko. (hahaha, malay mo minsan mabasa mo ito). Thank you talaga. Sana wag kang magsawa sa akin. :-)

Beside your friendship, these are the things/favours you have extended to me that i'll be forever thankful of:

1) AVP of Jo's wedding ---dito ko napatunayan ang kabaitan mo sa akin. problemado ako kung paano ko maisasakatuparan ang naiisip kong presentasyon para sa wedding ng aking kaibigan. Right timing dahil pinapanood naman ninyo sa bus ang kakagawa mo lang na music video ng mga kaopisina mo. On the spot, sabi ko baka naman pweding i-book mo naman yung one Saturday mo sa akin para gawin naman ang AVP ni Jo? Meron na akong concept sabi ko, hindi ko lang alam gawin or i-execute...hehe...Nag-yes ka agad sa akin. At nang kinasabaduhan nga, hindi mo nakalimutan ginawa nga natin ito. 11:30pm na natin natapos ito. at wala ka man lang naging reklamo. (medyo kaka-guilty tuloy, am i being abusive sa kabaitan mo?). Ang biro ko pa sa'yo, ang galing ko talagang tumingin ng may 'talent' na tao. Kasi, grabeh ang ganda ganda ng pagkakagawa mo! Daig pa ang ipinagawa sa professional! Sa sobrang ganda nga gusto ko nang magpagawa sa'yo ng AVP para sa wedding ko kahit wala pa akong groom. haha... Siyanga pala, sobrang nagpapasalamat din ang kaibigan ko sa'yo sa ginawa mong ito. Alam mo bang medyo naiyak pa ang dalawa nung ni-present ko sa kanila dahil akala nila sobrang napagod tayo at pinagpupuntahan pa natin ang mga actual place sa love story nila. hehe.
Napakaswerte ko talaga dahil first time mo lang kamo nakagawa ng AVP nun. O di ba, ako ang discoverer mo. hahaha. Meron na naman tayong upcoming projects na gagawin soon -my hongkong/macau trip with my mother & AVP for my cousin's wedding. Nag-yes ka na naman sa akin. Wala akong magawa kundi maging grateful na lang sa kabutihan mo. :-)

2) music uploader/organizer- lahat ng music ko sa iPod at sa computer ko sa ofis ay courtesy of NS. thank u for uploading my recent request-christmas songs (now playing on my iPod) :-)

3) House series -salamat sa pagpapahiram ng iyong kumpletong set ng House series. You'll be proud, nasa Season 7 na ako, ang running season! hehe...salamat din sa pakikipagtalastasan sa akin tungkol sa House pag nasa bus tayo. Adik na adik noh? Sabi ko nga sa'yo, mananalo ako ngayon pag may quiz bee tungkol sa House. :-)

4) future jogging mate- since nalaman ko na nagjo-jogging ka every night, sabi ko sama ako sa'yo pero start ko sa 1st of December na. pumayag ka na naman! yippeee! atleast may makakasama na ako (for some reason, medyo takot kasi akong mag-isa ngayon sa labas pag gabi) :-)

Saturday, November 27, 2010

Do Not Worry

Usap-usapan sa aming opisina ang mangyayaring tanggalan gawa ng restructuring ng aming kumpanya. Walang dapat ipag-alala ang iba sa Group Company dahil ang maapektuhan lang nito ay kami. Pag sinabing organization restructuring, ibig sabihin magkakaroon na ng bagong organization structure (approved by Group Management). At lahat ng wala sa bagong structure ay kailangang mawala/alisin. Although may malaking possibility na ilipat lang sila within the Group pa rin. Sana ganito ang mangyari talaga, kasi pag hindi ,termination ang isang masaklap na pweding mangyari sa mga dapat mawala.

Nakakatakot di ba? Walang sinuman ang may gustong mawalan ng trabaho. Last Thursday, finally isinapubliko na sa amin ni GM ang plano ng Group. Ayaw daw niyang maging dahilan ng tsismis ito. Next week daw kakausapin niya lahat isa-isa. "Do not worry" sabi pa niya, i-enjoy daw namin ang weekend.

Grabeh, kung ikaw ang taong involved, hindi ka ba magwo-worry? Ako si no. 1 'worrier' dati, pero this time hindi na masyado (tingin ko enough na ang naging pagwo-worry ko dahil dito). Hindi ko na nga ipinaalam sa nanay ko. Ang taga-salo ng aking mga pangamba. Aantayin ko na lang this coming week, ang verdict para sa akin.

Friday, November 26, 2010

Keeping The Faith

In my previous post, nabanggit ko na kung minsan 'kinatatamaran' kong magsimba ng weekend mass (o Sunday mass) w/c is a day of obligation para sa mga Katoliko. Although bumabawi ako sa ibang araw pag hindi ako nakasimba, andun pa rin ang feeling of guilt. Ayokong magtampo si God sa akin. Yun bang tipong iisipin niya nakakalimutan ko na Siya, na wala na akong panahon sa Kanya. I know we have a forgiving God pero wag naman ako sanang magsamantala. Once a week nga lang at ilang oras lang ako bumibisita sa Kanya tapos hindi ko pa mabigyan ng time. Samantalang pag may kailangan ako, 24/7 kayang-kaya kong ibigay sa kanya. Ayoko siyang tantanan. Kinukulit ko siya ng todo. Siya pa ang magsasabi na 'matulog ka na, anak. bukas na lang ulit.' :-)


Ramdam ko talaga na love na love ako ni God. Kung i-describe ko nga ang relationship namin, very close. Alam kong hinding-hindi Niya ako pababayaan at iiwan. Kinokunsulta ko din Siya at nanghihingi ng guidance para sa mga bagay na hindi malinaw sa akin. Kung minsan naman kahit alam ko na ang dapat gawin, gusto ko pa ring manggaling ito sa Kanya.


Eto medyo nakakahiyang ikwento dito, pati matters of the heart kasi idinulog ko na din minsan sa Kanya. :-) Ganun kami ka-close, di ako nahihiya kasehodang mag-iiyak ako sa isang feeling ko problema. hehe.


meron isang tao noon na gustung-gusto ko. feeling ko nga naging lab na, parang di ko kakayanin ang hindi kami magkatuluyan (haha..ang OA ko). although in my sound mind, alam kong di kami talaga made for each other ng taong ito. di ako sasaya sa piling niya. after ng mahaba-habang panahon na pakikipagdebate ng aking puso vs. isip, wala pa ring malinaw kung sino ang susundin ko. minsan panalo si puso, minsan naman si isip. lumipas ang ilang taon tie pa rin ang score. hehe...hindi ko na kinaya, napagod ako sa pagtatala ng score...hehe..kasagsagan ng pakikipag-usap ko sa Kanya nang maala ko ang matagal na gumugulo sa aking isipan. Sabi ko sa Kanya "Lord, tulungan Ninyo po akong alisin ang nararamdaman ko sa taong ito. nasasaktan lang po kasi ako." the next day, pramis nawala ang dinaramdam ko. grabeh, ganun Niya ako kamahal. :-)


Kaya naku, medyo ingat tayo sa paghingi ng gusto natin lalu na kung tungkol sa puso at nasa emotional state tayo dahil ibibigay Niya ito. Speaking of puso, sabi ng isang kaibigan/dating boss ko, kailangang ipinagdarasal ko na daw ang pagkakaroon ng makakasama habang-buhay. nasa tamang edad na daw ako, mahirap ang maging matandang dalaga. sabi ko sa kanya, cge pag ikinasal siya ako ang susunod! hehehe (mas matanda kasi siya sa akin ng more than 10 yrs). Actually never pa akong nag-attempt, ang prayer ko wag muna po ngayon madami pa akong plano sa buhay. pero kung gusto mo nang ibigay tatanggapin ko naman. there should be a way para mag fit in ito sa buhay ko kung para ito sa akin. napakalaki ng pasasalamat ko na ok na ok ako sa pagiging single ko as in contented ako sa lovelife ko na zero..hehe..(contrary to my family/relative/friends, na nag-aalala ng sobra sa aking pagtanda. ginagamitan na ako ng mga panakot at kung anu-ano pa. nade-depressed sila sa isang bagay na hindi pa naman nangyayari)


Kung saan-saan na napunta ang aking kwento. Ang gusto ko lang naman sabihin is mahal na mahal ko din si God kahit kung minsan hindi ko nasusunod ang lahat ng kagustuhan niya. Pero i'm really trying my best para maging mabuting anak Niya. Kasama ito sa standard prayer ko as long as i can remember ---"gawan yuku pung talatuki yu" meaning "make me your follower". Kaya medyo naging emotional/sobrang touch ako kanina sa simbahan habang kinakanta ang You Are Mine. Gusto kong sumagot ng "Yes Lord, I'm Yours" :-)

You Are Mine lyrics

Do not be afraid I am with you

I have called you each by name

Come and follow me

I will bring you home

I love you and you are mine

Thursday, November 25, 2010

Multiple Choice

Naniniwala ako na lagi tayong merong choice sa mga bagay-bagay sa ating buhay. Noong nag-aaral pa ako, pinakaeasy para sa akin ang multiple choice tuwing exam. Walang memorization na kailangan. Pwedi ka pang manghula kung hindi mo talaga maalala ang tamang sagot. Madalas pag ganito ang type ng exam, expected ko na hindi man lang ako pagpapawisan. (hahaha...gusto ko lang magyabang)


Ngayong may edad na ako at natutong mag-blog, susubukan ko namang ilista ang mga bagay na pweding maging 'multiple choice' sa buhay ko. Maging easy pa kaya ang pagsagot ko? Makapagmayabang pa kayo ako? Hahaha. Let's see... :-)



1) Pasado alas dose na ng gabi dito sa UAE. Gising na gising pa rin sa kakaisip at kakasulat dito sa blog. Ano ang aking gagawin?

a. matulog na para hindi mapuyat
b. tapusin ang blog, ok lang mapuyat dahil walang pasok bukas
c. none of the above


2) Ako ang naka-schedule na cook pag Friday. Thursday night pa lang naggo-grocery na ako para sa aking menu. Alin kaya sa mga ito ang aking iluluto bukas?

a. sinigang na baboy/hipon/salmon
b. kare-kare
c. pork chicken adobo
d. menudo
e. ginisang munggo plus pritong alumahan
f. dinuguan
g. beef steak
h. beef brocolli
i. caldereta



3) Ginusto ko ang mag-work dito sa Dubai para makatulong sa aming pamilya. I'm missing home lalu na ang aking nanay ngayon. Ano ang aking iniisip na mabuting gawin?

a. umuwi na sa Pinas
b. normal lang ang aking nararamdaman magpapasko na naman kasi
c. i-visit visa ang aking ina para mapasyalan ako dito



4) Ni-blog ko na dito na gusto ko nang matirhan ng nanay ko ang bahay na plano ko para sa kanya sa May 2011 (in time para sa aming fiesta). Paano ko i-meet ang target date ko?

a. mag-loan sa bangko
b. gumawa ng budget ayon sa cash flows, i-monitor/limitahan ang mga gastusin
c. bahala na si Batman :-)

5) Kakauwi ko lang sa Pinas nung Sept para sa 2010 vacation leave ko. Pero gusto ko na ulit mag-plano para sa bakasyon ko next year. Napapasaya kasi ako nito kahit papaano. Ano naman kaya ang magiging itinerary ko sa 2011?

a. stopover either sa Malaysia o kaya Thailand
b. to organize family reunion sa mother side ko
c. maging emcee sa kasal ng pinsan/barkada ko (if ever mag-coincide ang wedding date nila sa bakasyon ko, no exact wedding date/month yet while ang bakasyon ko is baka month of Aug)
d. all of the above



My Answer Key:
1) b
2) d
3) b
4) b
5) d

Wednesday, November 24, 2010

Wikang Tagalog sa UAE

Sanay na sanay na akong makarinig ng ibang lahi dito sa UAE na sinasalita ang wika nating mga Filipino. Nakakaaliw at nakaka-proud din na ganun ka-interesante sa kanila ang ating wika. Ako kasi, hindi man lang akong nag-effort na matuto ng lenggwahe ng mga local dito, ang Arabic. Sa limang taon ko dito, ang tanging alam ko lang na word na Arabic ay ang mga sumusunod:

Shukran - Salamat
Mafi - Wala
Malum - Alam
Mafi Malum - Walang Alam
Souq - Market
Sida- Straight
Habibi- a term of endearment

Hindi naman kasi required. English ang gamit ng lahat dito para magkaintindihan. Pero sympre pag kapwa Pinoy ang magkakausap, Tagalog na ang gamit. Ang daming Pinoy dito! Hindi mo mararamdaman ang culture shock. Ang description ko nga sa Dubai, parang sa Manila pa rin ako nagtatrabaho. Yun nga lang hindi ako makauwi sa amin every weekend.

Hindi na nakapagtataka na pati Etisalat, ang pinakamalaking internet/mobile/telephone service provider dito sa UAE, ay marunong na ding mag-tagalog. hehe. Basahin ninyo ang ipinadalang text sa akin kanina.


Makakuha ng 4o% libreng credit bawat buwan sa Wasel.
Simula ngayon mas matagal na usap mas madameng libreng
credits ang makukuha. i-send U sa 1010 para makasali sa
promo at i-enjoy ang libreng credit. Magmadali na! at sumali
sa limited time offer ng Wasel promo.
To stop receiving special promotions/offers from Etisalat
through SMS, send "b etisalat" to 1011

Sender:
etisalat

Sent:
24-Nov-2010
02:22:57pm

You might be asking, paano alam ng Etisalat kung Pinoy o ibang lahi ang subscriber nila? Madali lang, dito kasi sa UAE may registration form pag bumili ng sim card, required ang passport or labor card for proper identification. So I assume, lahat ng detalye nasa Database din nila. Kaya wag na wag kang mag-attempt na gumawa ng kalokohan like prank calls, sigurado mahuhuli ka dito. Ganun din sa mga subscribers ng internet, lahat meron silang record. In fact, pati exact location/map nung subscriber nasa system nila. Nalaman ko ito nung nag-apply ako para sa internet connection namin dito sa bahay. Sa akin kasi naka-register ang internet namin.

Bago pa ako mapalayo sa aking topic, tatapusin ko na dito ang aking kwento. Baka may makahalata na kung minsan buhol-buhol din ang aking pagsasalita ng Tagalog. Ito ay sa kadahilanang ang dialect sa aming probinsya ang siyang aking orihinal at nakagisnang wikain. Minsan, ipapakilala ko din dito kung gaano kaganda ang aming dialect at kung gaano ako kabihasa na magkwento pag ito ang gamit ko. haha. Ang lakas ng loob kong magyabang! :-)

Monday, November 22, 2010

Pinoy Jokes :-)

Sobrang busy na naman sa ofis, malapit na naman kasi ang month-end closing. Naghahabol ang lahat dahil sa mahabang bakasyon last week. Ngarag na ngarag ako kanina nang ma-received ko ang isang forwarded message mula sa isang ofismeyt na may subject na Pinoy Jokes. :-)

Hindi ko pinalampas ito, binasa ko agad...hehe. Grabeh! in fairness sa mga jokes, napangiti naman nila ako. Hahaha. 18 jokes ang lahat ng nasa email pero sa 3 jokes sa ibaba ako sobrang natawa. Hiniram ko muna ang mga ito dito sa blog ko, sana matawa din ang makabasa nito. :-)



Hindi lahat ng party ay masaya.- - -3RD PARTY
Hindi lahat ng 13 ay malas- - -13TH MONTH PAY
Hindi lahat ng negative nakakalungkot- - -PREGNANCY TEST (whew!)
Hindi lahat ng positive ikina-sasaya- - -HIV POSITIVE

Anak: " Tay , totoo po bang may multo?"
Tatay: "Anak walang multo! Bakit mo naitanong?"
Anak: "Sabi kasi ni yaya merong multo!"
Tatay: "Anak, wala tayong yaya!"

Teacher: "Juan, give me colors that start with letter M, except maroon!"
Juan: Hhmmm...
Maitim!
Mapute!
Maputla!
Madilaw!
Mukhang berde!
Mejo asul!
Mamink-mink!

Sunday, November 21, 2010

Walking in a Winter Wonderland

Malamig na ang panahon dito sa Dubai. It's a must na magdala ng jacket pag nasa labas ng bahay (atleast for me, lamigin ako eh). Pahirapan na namang bumangon pag umaga. hehe.

Pero kung malamig sa labas ng bahay, walang tatalo sa lamig dito sa loob ng aming kwarto- it's FREEZING COLD in here...nanginginig nga ako habang nagta-type ako ngayon. :-)

At ang mga mabisa kong panlaban sa lamig para makatulog pa rin ng mahimbing- medyas, pajama, jacket, bonnet, blanket, comforter at iba pang makakapal na kasuotan. Sobrang lamigin talaga ako. Kabaliktaran ng mga roommate ko na mga pawisin naman. One time nung summer, nasira yung airconditioned namin, lahat sila hindi nakatulog. Inggit na inggit daw sila sa akin dahil ang himbing ng tulog ko. hehe. Mas mataas talaga ang tolerance ko sa mainit na panahon kaysa sa malamig. :-)

Ang winter ang pinakakabangan ng halos lahat ng katauhan dito sa Dubai. Alangan namang kontrahin ko pa ang kanilang kasiyahan. Makikisaya na lang ako sa kanila! :-)

Kaninang umaga habang naglalakad ako papuntang pick-up point ng service namin, bigla ko na lang naisip ang christmas song na 'Winter Wonderland'. Ang lamig na kasi talaga, feeling ko 'im walking in the winter wonderland'. hehe.

Hindi ko memorize ang lyrics nito kaya ni-google ko ito ngayon. Ito ang 1st stanza ng kanta na galing sa http://www.metrolyrics.com/.

Sleigh bells ring, are you listening,
In the lane, snow is glistening
A beautiful sight,
We're happy tonight.
Walking in a winter wonderland

Saturday, November 20, 2010

Ayaw Paawat :-)

1o:44 pm na ngayon. Ready to sleep na ako nang maalala kong meron pa akong isang kwento na nakaligtaang isulat dito. Binuksan ko ulit ang aking laptop at nasambit ko sa sarili ko na, ayaw ko talagang paaawat o papigil sa pagba-blog. hehe. (pang 5th ko na ito para lang sa araw na ito)

Hesitant pa ako at first na i-blog ang susunod na kwento dahil housemate ko ang involved na tao dito. Ayoko din namang parang may 'kontrabida' character sa mga housemate ko. Much more, na parang violation of other's privacy na ang aking gagawin. ( kaya mas comfortable akong i-blog ang buhay ng aking mga kaibigan dito dahil mas kilala ko sila. alam kong maiintindihan nila ako at mapapatawad kung meron man akong violation. hehe)

Hay naku Tin, tama na ang madaming paliwanag. Hahaha. Ikwento mo na ito para makatulog ka na at may pasok ka pa bukas. :-)

Hmmmm....bago ko ito umpisahan, gusto kong humingi ng pasencia sa pagdamay sa character ng walang pahintulot. Istorya ko din naman ito. Nagkataon na pilit siyang uma-apir sa ilang eksena kaya hayan tuloy, di ko na iiwasan na i-blog ko siya dito. Intindihin niyo na lang ako, wala kasi talaga akong mapagkwentuhan nito.

Dahil sa hindi ako pala-labas ng kwarto, hindi ko alam ang pangalan ng iba kong housemates. Although kilala ko naman sila sa mukha. Tuwing ako ang cook or evey Friday ko lang nakakasalamuha ang ilan sa mga housemates ko, yun ay kung nasa kitchen sila. Nakakatawa nga kung minsan may magtatanong sa akin kung bagong-lipat ba daw ako. Ngek! kami kaya ang pioneer dito sa Villa namin. :-)

1st week of November, may birtdeyan dito sa Room namin. Nag-volunteer ako na sa akin ang spaghetti. After ofis, diretso akong umuwi ng bahay para lutuin nga ang spaghetti. Sobrang busy ako sa kitchen nang dumating ang isa kong housemate na itatago ko na lang sa pangalang 'housemate'. (hehe, isa siya sa mga hindi ko kakilala ang pangalan)

In general, mabait naman ako at pinipilit kong magiliw sa lahat ng mga housemates ko. Pero kay 'housemate', mukhang hindi uubra ang pagiging polite ko. Noong una, okay okay pa ako sa presence niya habang nagluluto ako. Siguro walang makausap si 'housemate' ang naisip ko. Kaya sige kahit busy sa pagluluto, sagot pa din ako kung anuman ang naisipang itanong.

Aba, aba, after lang siguro ng ilang mga general questions naging masyadong personal na kanyang tinatanong. Nakaka-offend kasi hindi naman kami close at first taym ko lang siyang makausap. Hindi ko mapigilang hindi magtaray nang sabihan niya akong 'bakit wala daw akong bf, e napakaganda ko daw'...gosh!, pramis na-offend ako sa kanya. Ang sagot ko 'bakit? masama?'..hehe. lumabas tuloy ang katarayan ko. (hehe..sign of old age). Eksakto, dumating ang isa kong housemate na babae. Nagkwentuhan kami na parang wala si 'housemate'. Nakahinga ako ng maluwag nang mahalata ni 'housemate' na non-existent siya sa amin at umalis na sa kitchen. hehe.

Ayokong gumawa ng commotion dito kaya wala akong pinagkwentuhan nito. Baka naman kasi OA lang ako. Nagiging friendly lang si 'housemate' at ako naman ay aminadong hindi friendly.

So tapos na sana ang kabanata ni 'housemate', palalampasin ko na ang istorya nito. Pero may nangyaring kakaibang eksena na naman nitong Eid Holiday lang. Noong Tuesday, tinanong ako ng roommate ko kung magsisimba daw ako? Sabi ko, oo. Sama daw siya sa akin. Cge, sabi ko wala naman akong kasama. Aba, nabigla ako nang kasama pala niya si 'housemate'. Eto na naman po, sa isip isip ko. Okay lang naman sa akin ito, eh sa gusto ding magsimba ng tao.

After mass, eto na po ang aking kinatatakutan. haha. Merong dalang camera ang aking roommate, picture-picture daw kami. Sabi ko, ako na lang ang magpi-picture. Si 'housemate' ang kulit, pa-picture daw kaming dalawa! Para naman hindi mapahiya, sabi ko camera-shy ako. Aba, di pa nagkasya sa sagot ko. Picture lang naman daw. Pasencia na, di talaga ako nagpapa-picture. To the rescue ang aking roommate na gay, wag mo kasing pilitin eh ayaw nga niya sayo! Hahaha, yan ang ganti ng aking mga kakampi. :-)

Naka-plano silang gagala after mass. Sabi ko, ako diretso na ako ng bahay at madami pa akong labahin. Pinipilit nila akong sumama sa kanila. Ayoko talagang maggala sabi ko kay roommate. Aba, narinig ko si 'housemate', sabay na lang daw kaming umuwi sa bahay. Sabi ng isa naming kasama, baka daw meron lang akong ka-date kaya ayaw kong sumamang mamasyal sa kanila. Oo, sabi ko na lang kahit wala naman para lubayan na ako ni 'housemate'. Nag-sinungaling tuloy ako.

So far, wala pa kaming engkwentro ulit ni 'housemate'. hehe..sana wala na. Matakot siya, tsismis ko ulit siya dito. hehe.

Me & Harry Potter

Wala naman kaming malalim na koneksyon ni Harry Potter. hehe. (wala lang akong maisip na title sa blog ko). Hindi din ako super fan. Although napanood ko lahat ng movies nito- yung iba sa big screen, yung iba sa dvd lang . Pero itong Harry Potter and the Deathly Hollows Part 1 ay gusto ko talagang mapanood sa sinehan. Pinakapaboritong film daw ito ni J.K Rowling, ang author ng Harry Potter series kaya naging curious ako at isinama ko pa nga sa aking DRAMA MODE. Gusto ko kasing mapanood ito pero wala akong kasama kaya alam kong medyo malabo itong mangyari.

I convinced myself na ok lang, antayin ko na lang ang kaopisina kong i-download ito. Ayoko namang manood mag-isa (di ko pa na-try ito. pero kasama sa mga plano ko in the future. :-))

Hinatid ako nina ID at RD kahapon sa aking tinitirhan dito sa Deira. Back to reality pero bawas na ang kadramahan. hehe. Yun nga lang tinatamad akong lumabas ng bahay ng mahigit n 400 meters ang layo. (hahaha. rough estimate ko lang yan papuntang al ghurair). Magkikita kami dapat dun ng aking kaibigan dahil meron siyang ibibigay sa akin. Pero dahil tinatamad ako (na ayoko din namang ipaalam), nakiusap ako kung pwedi sa may bandang sa aming bahay na lang kami mag-meet.

Biglang nag-text siya na Nood daw kami ng Harry Potter! Grabeh, feeling ko nag-stop ang aking puso sa saya. hahaha. Aba, sympre go na go ako! Biglang nawala ang aking katamaran at nagbihis agad ako para agad makapunta sa al ghurair. :-)

Super nag-enjoy talaga ako sa movie kahit sa 2011 pa ang Part 2 nito. Besides, it's not everday na mag-ayang manood ang kaibigan kong ito (kaya kahit siguro hindi Harry Potter ang movie, papayag pa rin ako). Actually, first time lang pala sa more than 3 years naming magkaibigan dito sa Dubai. (grabeh, kaya pala almost teary-eyed ako sa saya.haha)

Reklamo ng kaibigan kong ito sa akin- tingin ko daw sa kanya masama o walang-puso na tao. I categorically deny it dito sa aking blog. Dahil lahat ng aking mga kaibigan ay alam kong may natatagong kabutihan. hehe.

Thank you talaga sa kaibigan kong ito. Salamat. Thanks. Shukran. Merci. Gracias. :-)




dahil 8:45pm na kami dumating, front seats na lang ang available.
akala ko madidiskaril ang aking excitement para sa Harry Potter,
i was surprised! meron nang tiket ang aking kaibigan!
(kanino galing ang tiket natin tanong ko sa kanya,
wag ko na daw alamin at ipaparating na lng nia ang thank u ko!
hahaha, bilang ganti wala akong initials na ilalagay kung sino
ang kaibigan kong ito para maprotektahan ang kanyang privacy)
grabeh, ang saya saya! yipppee! :-)


Kablogs - a Blocked Site in the UAE via Du

I brought my laptop with me when I visited my friend's place in Mirdiff. I had this 'just-in-case-i-need-it' mind set-up. Although, i knew all along that there would be a slim chance i would be needing it. (remember, i was still on my drama mode during this time hence, all i wanna do is do nothing)

Just so I can give justice to my stubborness, i opened my laptop on Thursday (Nov 18) and surf the net. I logged-in to my blogger account with an intention of visiting blogs that i follow. Since the other blogs are not yet on my blogroll (simply because i don't know how to add them, i'll try again & do my very best next time), i clicked my Kablogs logo where I could easily get an access of the other blogsites.

But I was shocked and suprised when I got this message "Surf Safely! This website is not accessible in the UAE". This could not be possible i said to myself. Thinking i did not click the right website, i double checked again. And it is confirmed, Kablogs is a blocked site in the UAE via Du. (our Internet Service provider here at home is Etisalat). I immediately reported my concern to Du. Got the below auto-reply email from them. I'm hoping they would really give immediate attention to it.


Dear KP,

Thank you for your unblock request for the website
http://www.ofwkablogs.com/.

Your reference number is SXX7912XX1


We will be in touch with you to update the status of your request.

Kind Regards.
Customer Service


social networking sites were once blocked in the UAE
websites with contents/words like sex, dating etc...
(any word that they'd find malicious) are surely BLOCKED



i'm in favor of blocking those sites that aren't useful to one's mind
pero wag naman po ang Kablogs pls-
kaligayahan ko ito bilang Filipino blogger sa UAE :-)

Adopted

Although tahimik at loner akong tao, lagi akong napagkakamalang maingay at masayahing tao ng aking mga kaibigan. Wala nga daw makakatalo sa akin pagdating dito. Hahaha, suko na ako. Di ko sila kayang i-convince na. :-)

Eto pa ang remark ng aking mga kaibigan sa akin, napaka-positive daw ng outlook ko sa buhay. Parang napakaganda daw ng tingin ko sa mundo at buhay. Sabi pa ng isa kong kaibigan, 'therapeutic' daw ang mga advices ko sa kanya. (sabi ko sa kanya ang importante maging masaya siya sa kung anuman ang gusto niyang mapuntahan sa buhay. basic wish ko ito sa lahat ng aking mga kaibigan ) Napaka-komportable kong magbigay ng mga advices sa aking kaibigan. Sinasabi ko talaga yung mga nasa isipan ko (kahit pa yung ilan ay mga 'masakit na katotohanan'). Gamit na gamit din ang aking listening skill. :-)

Ang problema pag ako na ang nakaramdam ng lungkot. Hirap akong ilabas ito. Wala na si Jo na siyang numero uno kong 'confidante'. Ayoko namang gambalain si ID sa kanyang mga family activities para lang sa aking drama mode. :-)

Ewan ko, naging ugali ko na ang umiwas sa mundo pag ako ay nalulungkot which is napaka-immature and inconsiderate sa tingin ko (at very unfair to me). Ok lang yung paminsan-minsan pero pag napapadalas, very alarming na.

Na-sense agad ng aking kaibigan (si ID) na something's wrong with me nang nde ako sumama sa kagalaan nila para sa Eid holiday. Nag-pramis ako sa bibisita na lang ako sa bahay nila at dun matutulog after ng kanilang gala.

Yes, nagpa-ampon ako sa aking kaibigan for 3 days (Nov 17-19). Isang napakabisang lunas sa dinaramdam kong kalungkutan/homesickness. Lahat napagkwentuhan namin mula sa di-seryoso hanggang sa mga pinaka-seryosong topic. Meron din kaming 'chismisan' portion. Hot topic namin ang bagong mag-asawang sina Jo at GD. Hahaha. Jo, bilisan mo na kasi ang pagbalik dito sa Dubai para nde na ikaw pagchismisan namin. hehe..Siguradong, lagot kami sa'yo pag nalaman mo ito. Miss u na, Jo! See u soon! :-)

Sympre hindi mawawala ang super na nagpapaligaya sa aming lahat dito sa Dubai - si Miguel John. :-)



haaayy...cute mo talaga baby MJohn! :-)
hahaha...sing daw kami ng alphabet.
paborito niyang gayahin ang mga pinapanood niya




sanay na sanay mag-slide yan. :-)
(ako yung kinakabahan.hehe)



mabait na bata yan.
marunong na ding mag-wiwi sa kanyang potty tray :-)



opppsss..pasko na sa bahay ng aking mga kaibigan!
biro ni RD sa akin "Merry Christmas, Ninang!"
hahaha. di mo kailangang magparamdam RD.
kagaya ni ID, super excited na din ako sa pasko para kay baby MJohn. :-)



p.s.
di ko mapigilan ang sarili ko na hindi isulat dito ang aking nadiskubre kina ID at RD. alam ko na talagang likas ang kabaitan ng aking mga kaibigan. kitang-kita ko ito sa kanilang pamumuhay at pakikitungo sa lahat ng tao--sa kanilang pamilya, kamag-anak, kaibigan, kaopisina, kapitbahay etc... pero i felt even more proud sa kanila nung malaman ko na meron silang 2 scholars sa World Vision. :-).

And It's Over Now! :-)

Grabeh! akala ko wala ng katapusan ang kadramahan at kalungkutan na nararamdaman ko na lalu pang pinalala dahil sa napakahabang bakasyon namin. Homesickness ang itinuturo kong maysala nito. Naalarma ako ng unti kasi napansin ko na napapadalas ito. Pilit pa akong sinusundan nito- sa work, sa bahay, everywhere. I felt so defenseless, pati nga pagba-blog ko (na napakalaking factor ng aking kasiyahan) ay naapektuhan din. Personal struggle talaga.

Thank God, this morning okay na okay ang pakiramdam ko. Walang traces ng pagka-homesick. hehe. Bumagon ako ng 6am to catch up the 6:45am mass sa St. Mary's Church. Nagpasalamat sa araw na ito. Habang naglalakad kanina papuntang bus stop, i feel so alive and happy (na ulit). Bigla ko ding naisip ang aking blog. Ang dami kong gustong i-blog ngayon. hehe. Yippee! Ramdam na ramdam ko, tapos na ang aking mahaba-habang drama mode! Gusto kong mag-celebrate! :-)

Bilang treat sa aking sarili, nag-breakfast ako sa labas kahit mag-isa. :-) Gusto kong i-enjoy at imuni-muni din ang moment na ito. Pag malungkot ako, binibigyan ko ng 'time' ito. It is just fair na pag masaya ako, bigyang-pansin ko din ito. :-)


McDonald's Breakfast Meal
hahaha! pag nabasa ito ng aking mga kaibigan (esp ni Jo at ate PC).
matatawa at matutuwa sila para sa akin :-)



hmmmm, sarap maging magaan ang pakiramdam!
sarap ding kumain at magpa-picture. hehe. :-)



wala lang, gusto ko lang ipakita na nakasapatos ako. :-)


sarap ding pagmasdan ng mga nakapaligid sa akin
na hindi ko nagagawa pag lunod ako sa kalungkutan. :-)

Sunday, November 14, 2010

Drama Mode

Isang araw na lang at mag-uumpisa na ang 5-day holidays namin. Dapat excited ako pero hindi ko maramdaman ito. Napaka-KJ ko din dahil wala akong planong kagalaan/out-of-town ngayon. Sobrang baba ng energy ko. Ang dahilan ko 'tinatamad ako', nalulungkot kasi ako. Ewan ko sinusumpong yata ako ng homesickness. haaaayyyy...

Merong kagalaan sina ID (fren ko) sa ofis nila. Overnight daw sa isang resort sa Ras Al Kaimah. Inaaya niya akong sumama pero i beg off. Sabi ko sa kanya parang ayokong sumama. I suggested na sleepover na lang ako sa bahay nila for 2 nights after ng kanilang trip para atleast may bonding time din kami. Tagal na din naming hindi nagkikita. Alam kong may unting tampo sa akin si ID dahil sa hindi ko pagsama. Nag-aalala yun sa akin dahil nagkukulong na naman ako sa bahay. Gusto kong pagbigyan ang aking kaibigan pero mas nanaig ang kalungkutan na nararamdaman ko. Pasencia na fren, pramis babawi ako sa bonding time natin. Thanks din at hindi naging issue itong kadramahan ko na ito. :-)

Nagkausap kami ng aking barkada/pinsan (RB) from Abu Dhabi two weeks ago. Pasyal naman daw ako sa kanila. Last year pa kasi nung huli kaming magkita. Punta daw ako ngayong Eid tapos gagala kami sa Ferrari World, newly-opened theme park sa Abu Dhabi. Na-excite ako pagkabanggit niya dito at sinabing sige titingnan ko ang aking schedule. Pero mukhang hindi din ako matutuloy. Sasabihin ko na lang sa pasko na lang ako dadalaw sa kanila. :-)

Kanina sa ofis nagkakwentuhan kung anong mga plano sa bakasyon. Lahat sila may mga plano na, ako lang ang wala. Ang biro ko, papasok na lang ako..hehe...Kakalungkot pero hindi ko ma-feel ang saya ng bakasyon na ito. Naawa yata sa akin si RS (officemate/fren ko), nag-aaya naman siyang magplano kami ng isang picnic, camping o kaya road trip sa Oman. Wala pa ring effect sa akin. Grabeh, something's wrong with me. Normally, lahat ng pweding kagalaan pinapatulan ko pero i feel otherwise ngayon.

Nangyari na ito sa akin dati. Umiiwas sa kasiyahan. Then magpapakalunod sa kalungkutan. Maghapong mahihiga o matutulog. Ang end result is sasakit ang ulo at likod ko. hehe.

Since ayokong sumakit ang ulo at likod ko, may naiisip na akong gustong gawin sa bakasyon. :-)

Nov 16 (Tue)- attend morning mass, housekeeping, makipag-chat kay nanay, go to the mall/book hunting, watch House (season 6 na ako!)
Nov 17 (Wed)- go to Ikea DFC (will shop ideas para sa mga kagamitan ng bahay namin sa Pinas na hopefully pwedi nang matirhan sa May 2011, yey, bigla akong na-excite!), sleepover kina ID; ooppps i almost forgot, 5 years na ako sa Dubai sa araw na ito. (dadalhin ko ang laptop ko bakasakaling may mai-blog.hehe)
Nov 18 (Thurs)- cooking & eating session kina ID at walang katapusang kwentuhan ng aming mga plano sa buhay (mga seryosong plano). for sure, mapag-uusapan din namin ang bakasyon sa Pinas next year. :-), tulog ulit kina ID
Nov 19 (Fri)- go home, ako ang cook sa bahay pag Friday. bday ng aking kababata/fren (ES) na naririto din sa Dubai, free ang aking sked just in case meron siyang celebration. Kahit naman KJ o nasa drama mode ako, hindi ko ugaling mandamay lalu pag birthday. special day kaya ito.
Nov 20 (Sat)- attend weekend mass, chat ulit sa pinas, i might see the movie Harry Potter ipapalabas na daw ito (doubtful ako kung matuloy ako kasi wala pa akong kasama manood, hindi ko pa din kayang manood mag-isa--reserved for special occasion..hehe)

Medyo nawala na ang sobrang kadramahan ko. Ok na ako lalu na pag naisakatuparan ko ang mga simpleng plano ko sa bakasyon. :-)

Thursday, November 11, 2010

Long Vacation Ahead

Internal Memo

From: Group Management
To: All Staff - Group Companies
Re: Eid Al Adha



We are pleased to announce that on the occasion of Eid Al Adha holiday, our offices will remain closed on:

Tuesday 16, Wednesday 17 and Thursday 18 November 2010

We will resume duties on Sunday 21 November, after the regular weekend.


Eid Mubarak to all,

Signed by Management


I would understand if almost everyone working here in the UAE is feeling happy/excited nowadays. Why not? When we have this very long holiday next week because of Eid Al Adha. Actually, I have no idea what is this all about considering I've been working here for almost 5 years now. All I know is that this is our longest holiday, next to the Eid Al Fitr (end of Ramadan). How very ungrateful of me.

And so today with the help of my very dependable friend named 'google', i made an effort to atleast try to have a general idea about it. And surprisingly, here's what i found out:

1) Eid Al Adha is also called a Festival of Sacrifice or Sacrifice Feast
2) it is a commemoration of Ibrahim's (Abraham's) willingness to sacrifice his eldest son Ishmael in obedience to a command from Allah. (i also know this story as a Roman Catholic. grab my Bible and there I found the verses in Genesis 22: 1-24)
3) it marks the end of the Pilgrimage (Hajj) to sundown, and ask God for forgiveness

Wednesday, November 10, 2010

Writer's Block?

Napansin ko ang sarili ko na lie low ako ngayon sa pagba-blog. Mahigit one week na akong inactive. Walang pumapasok na ideya sa aking kaisipan. Wala na bang nangyayari sa aking buhay ngayon at wala akong maikwento man lang? Posible kayang i'm experiencing yung sinasabi nilang writer's block? Naks naman, feeling writer naman ako. Hahaha.

Aminado ako na sobrang adik ako ngayon sa series na House (nasa Season 5 na ako). Pero kaya ko naman itong kontrolin. Kagaya na lamang ngayong gabi. Gusto ko kasing manumbalik ang pagiging excited ko sa pagba-blog. Yung bang tipong nasa service pa lang ako pauwi alam ko na ang magiging topic ko for the night. Pag may nakita o narinig ako na interesting, naiisip ko agad na pweding i-blog ito. Bakit ngayon hindi ko na maramdaman ang mga ito? I don't know what went wrong.

I take blogging seriously although more often than not parang wala lang ang mga sinusulat ko, parang hindi pinag-isipan. hehe. (pasencia na, pagod kasi ang 'writer' from work at hindi na makapag-isip ng maayos. palusot ko.) Pinapangarap ko din sympre na makapagsulat ng isang blogpost na pinag-isipan ko talaga at edited ko. Gusto kong masabi ko sa sarili ko na writer ako na walang pag-aalinlangan. haha. Practice makes perfect naman di ba. Tsaka i know myself, madali naman akong matuto lalu na pag interesado ako.

Alam niyo bang sa kagustuhan kong mapabuti ang aking mga sinusulat, kasama sa mga binili kong libro noong bakasyon ko sa Pinas ang "Writing Tools-50 Essentials Strategies For Every Writer"? Yun nga lang hanggang ngayon hindi ko pa nabubuksan ito. Siguro hindi pa ako ready para magpakadalubhasa. Inuuna ko muna ang pagbabasa ng mga novel of my interest (meron akong 7 books na nakapila). Pagkatapos ng mga ito, magpapakadalubhasa na ako sa pagsusulat. Naku, bigla tuloy akong na-excite sa isiping magiging true blue writer ako pag nagkataon. :-)

Tuesday, November 2, 2010

Work.Work.Work. Part 2- The 'Resbak' Edition

Stressed na stressed ako kanina sa ofis. Grabeh, napakababa ng aking 'enthusiasm' sa work ngayon. Nasa point ako na pinipilit ko ang sarili ko na huwag mawalan ng gana kasi ako ang mas mahihirapan. Iniisip ko na maswerte pa rin ako dahil may trabaho pa ako lalu pa ngayong bali-balita sa amin na magtatanggalan sa kumpanya namin. Hindi pa ako ready na mawalan ng trabaho dahil masisira ang aking mga plano.

Bearable pa naman ang aking kalagayan. Kaya ko pa. Kasi pag give-up na ako, makikita mo na akong naghahanap-hanap na ng malilipatan which is hindi ko pa ginagawa. Bukod sa mahirap daw ang maghanap ngayon ng work, hindi ko pa maramdaman ang urgency nito. Pwera na lang sympre pag alam kong mas maganda ang lilipatan.

Okay pa ako sa set-up na ganito. Manageable kumbaga. Ang ayaw ko lang talaga ay yung inaaway ako at parang pinipersonal na. Nagkatotoo ang biro ng mga ka-service ko tungkol sa kanilang amo na ni-blog ko sa Part 1, ni-resbakan na ako nito. Lalung tumibay ang hinala ko na gusto ako nitong patalsikin kagaya ng ginawa niya sa aking kaibigan.

Nagreklamo na naman siya tungkol ulit sa hindi ko daw pagsunod sa intercompany group policy. Lusot naman ako dahil nangyari ang kanyang nirereklamo noong nagbakasyon ako, ibig sabihin hindi ako ang may gawa nito. Pero sympre mahabang explanasyon at pagpapakumbaba na naman ang ginawa ko dahil within my responsibility ang kanyang reklamo at ako talaga ang kanyang nirereklamo. Malaki ang pasasalamat ko dahil kakampi ko pa rin ang GM namin, na kalahi pa naman ni complaining manager. Personal pa niyang pinuntahan ito kanina para alamin first hand kung anong problema nito sa amin. Sa totoo lang kasi, napakaliit lang talaga ng issue na kayang iresolba ng isang pag-uusap lang. Pero pinapalaki at pinapaabot pa niya hanggang sa Group Finance (pwedi niya kasing gamitin ito na grounds for termination laban sa akin kung saka-sakali). After kong ipaliwanag ang side namin, nag-antay ako ng feedback o reaksyon. Wala akong natanggap mula sa kanya hanggang sa mag-uwian na.

Clueless talaga ako---bakit ako? Anyway, well-known naman siya na ganito ang pakikitungo sa mga kabayan. Pinag-isipan ko pa naman dati na magpa-transfer sa kanyang departamento. Buti na lang hindi ko itinuloy, baka matagal na niya akong napatalsik.

I'm really hoping/praying na sana matigil na ang pagiging mainit ng mga mata niya sa akin. Gusto ko nga siyang pagsabihan na "manager ka, isa lang akong alipin dito. hindi tayo magka-level so wag mong aksayahin ang panahon mo sa akin." Sympre, hindi ko ito masasabi sa kanya hindi naman kami close. hehe.

Sana dito na magtatapos ang kwentong ito. I won't expect nor anticipate na may Part 3 pa ito. :-)

Monday, November 1, 2010

Isang Paggunita...

Tumawag ako sa Pinas kaninang 7am Dubai time (11am sa pinas). Undas kasi ngayon. Eksakto nasa memorial park na sina nanay ko. 9:30 am pa daw sila nandun. As usual, ang pamilya namin ang pinakauna sa magkakamag-anak. Parang reunion at picnic ang nangyayari tuwing Nov 1 lalo na sa part namin kasi nakuhang magsama-sama sa isang hilera ang mga puntod ng mga nawalang mahal namin sa buhay both sa side ng father at mother ko. Hindi ko na iisa-iisahin kung sinu-sino sila. Malulungkot lang ako at made-depressed. :-(

Dahil nandito ako sa Dubai, nagpunta na lang ako kanina sa St. Mary's Church after office para ipagdasal ang mga kaluluwa nila.

Ang memorial park ang pinakaunang pinuntahan ko noong nagbakasyon ako sa Pinas last September. Tila ba doon ko maiibsan ang 'emptiness' na nararamdaman ko dahil sa pagkawala ng mga mahal ko sa buhay (the most recent ay si Tita Sol, ang pangalawang ina ko). Ayoko sanang mag-drama pero pag naiisip ko sila, di ko maiwasan ito.

Jan 25, 1995 nang bawian ng buhay aking tatay. Car accident. Second year highschool lang ako noon. Hindi ako inggitera pero pag may nakikita akong father-daughter na magkasama noon. Inggit na inggit ako. Naiiyak ako dahil sa inggit. "Sana ako din kasama ko ang tatay ko", ito ang laging hiling ko.

Maraming taon ang lumipas bago ko ito natutunang tanggapin. Alam kong masaya na ang aking itay sa piling ng ating Maylikha. Sabi ng isa kong Tita noon, nagiging anghel dela guardia daw natin yung mga namatay nating mahal sa buhay. Naniniwala ako dito.